Pamilya, 4 timbog sa droga

MANILA, Philippines — Naaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang apat na miyembro ng pamilya at nasamsam ang apat na kilong marijuana at mga shabu sa naganap na raid  kahapon ng madaling araw sa Cogeo, Antipolo City, Rizal.

Ang mga suspek ay kinilalang sina Junjie Chavez, 30, at asawang si Malome Amahan, 38, kapatid na si Boy Chavez, 20;  Jhon-Jhon Chavez, 25; Jessie Marcaida, 18, kapwa residente ng Excess Lot, Log Com Village,  Brgy. Dela Paz, Cogeo. 

Sa ulat ng PDEA-Special Enforcement Service (SES), dakong alas-4:00 ng madaling araw nang maaresto ang mga suspek na halos dalawang buwang isinailalim sa surveillance, bago ito sinalakay.

Nasamsam ng mga operatiba ng PDEA-SES sa kuwarto ng  mag-asawa ang mahigit sa apat na kilong marijuana, 20 pirasong transparent plastic sachet ng shabu, isang plastic sachet ng umano’y coccaine at mga drug paraphernalia.

Nabatid na ang mga suspek ay supplier umano ng droga sa naturang barangay at ang mga parokyano ay mga kabataang estudyante.

Show comments