‘Child molester’ utas sa pulis

MANILA, Philippines — Dead-on-the-spot ang isang 31-anyos na lalaki matapos umanong mang-agaw ng baril sa isang pulis na umaresto sa kanya dahil sa reklamo nang pangmomolestiya sa isang 7-anyos batang babae at isang ginang sa Pasig City, kamakalawa ng gabi.

Ang napatay na suspek ay kinilalang si Paolo Nel Pabale, binata, residente ng 1 Buena Compound, Cainta, Rizal.

Batay sa ulat, bago nangyari ang insidente ay nagtungo sa himpilan ng Pasig City Police Community Precint 6 ang isang Annaliza Villagen para ireklamo ang suspek dahil sa umano’y pangmomolestiya sa kanyang 7-anyos na anak na babae at nagkataon din naroon ang isang ginang na kinilalang Eva Contusido na nagreklamo din ng pangmomolestiya laban sa suspek.

Nagkasa ng follow-up operation dakong alas-9:00 ng gabi ang pulisya at naaresto ang suspek ni PO1 Rey Pacis sa loob  ng Kutsaron KTV Bar sa Ortigas Avenue, Pasig City.

Habang dinadala sa himpilan ng pulisya ang suspek ay  sinunggaban umano nito ang baril ng pulis  at nagkaroon ng agawan ng baril hanggang pumutok na tumama sa ulo ng suspek.

Isinugod pa sa Pasig City General Hospital ang suspek, pero idineklarang dead-on-arrival.

Isinailalim na sa imbestigasyon si PO1 Pacis matapos na isuko ang sarili sa kanyang superior at isinurender ang kanyang 9mm na service na baril.

Show comments