Marawi bakwit makakauwi na bago mag-Pasko

MANILA, Philippines — Bago mag-Pasko ay inaasahan nang makakauwi sa kanilang mga bahay ang nasa 78,000 bakwit o mga evacuees sa Marawi City na winasak ng giyera sa pagitan ng tropa ng militar at ng Maute-ISIS ( Islamic State of Iraq and Syria).

Ayon kay Romina Marasigan, spokesperson ng  Office of Civil Defense (OCD), ngayong napalaya na sa terorismo ang lungsod ay unti-unti nang sisimulan ng Task Force Bangon Marawi ang rehabilitasyon sa lugar.

Base sa inisyal na plano ng Task Force Bangon Marawi na pinamumunuan nina Defense Secretary Delfin Lorenzana at Public Works and Highways Secretary Mark Villar bago matapos ang taon sa Disyembre ay nakabalik na ang mga bakwit sa lungsod pero sa transitional shelters lamang muna ang mga ito maninirahan.

Habang nasa transitional shelters ang naturang mga evacuees ay bubuuin naman ng gobyerno ang plano para sa permanenteng matitirahan ng mga ito.

Aminado rin ang opis­yal na dahilan sa laki ng pinsala ng digmaan ay tinatayang aabutin pa ng 2-3 taon bago tuluyang maibalik sa dati o makabangon ang lungsod ng Marawi.

Show comments