Pinaglibingan ni Omar Maute at Malaysian terrorist, hinahanap

MANILA, Philippines - Sisikapin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hanapin ang pinaglibingan ng lider ng Maute na si Omar Maute at isang dayuhang terorista upang matiyak kung tala­gang patay na ang mga ito.

Sinabi ni AFP spokesperson B/Gen. Restituto Padilla na kailangang makita at masuri ang bangkay para matiyak na patay na si Omar at ang isang Malaysian terrorist.

“Kung totoong namatay si Omar Maute at isang Malaysian, sinisikap na­ting malaman kung saan sila inilibing, para masuri natin ang kanilang mga labi,” sinabi ni Padilla.

Sinabi rin ni Padilla na patuloy nilang ipinagpapalagay na nasa Marawi City pa rin si Isnilon Hapilon hangga’t walang maliwanag na kumpirmasyong nakukuha na ito ay nakatakas.

Sa pagpapatuloy ng bakbakan sa lungsod, sinabi ni Padilla na umabot na sa 28 ang bilang ng mga sibilyang pinatay ng mga kalaban.

Nasa 200 naman ang mga teroristang nasawi at 70 sa puwersa ng pamahalaan.

Sa araw-araw sinabi ni Padilla na patuloy nakaka-recover ng mga armas ang mga sundalo sa mga bahay na posibleng pinagkutaan ng grupo.

Tiniyak naman ni Padilla na selyado ang buong lungsod ng Marawi kaya mahihirapan ang mga teroristang makalabas o makapagdagdag pa ng puwersa.

Show comments