P100-K hanggang P5-M multa sa magpapakalat ng fake news

MANILA, Philippines - Papatawan ng multa mula P100,000 hanggang P 5 milyon at pagkakulong ng limang taon ang sinumang indibidwal na magpapakalat ng mga pekeng balita o fake news.

Ito ang panukalang batas na isinusulong ni Senator Joel Villanueva, na umano ay napapanahon na para magkaroon ng batas na magpaparusa sa mga nagpapakalat ng mga fake news kung saan mas mabigat o doble ang ipapataw na multa at parusa kung ang sangkot ay mga opisyal o empleyado ng gobyerno.

Maging ang mga tumulong lang o nanghikayat na magpakalat ng mga pekeng balita ay papatawan rin ng multang mula P50,000 hanggang P3 mil­yon at pagkabilanggo ng mula anim na buwan hanggang tatlong taon.

Maging ang mass media enterprise o social media platform na tumangging tanggalin ang isang pekeng balita at pagmumultahin naman ng mula P10 milyon hanggang P20 milyon at pagkabilanggo ng mula 10 hanggang 20 taon.

Idinagdag ni Villanueva na dapat lamang magkaroon ng batas na magiging daan para mahinto ang mga fake news.

Inihalimbawa ni Villanueva ang diumano’y maling pahayag ni  Justice Secretary Vitaliano A­guirre kung saan isinangkot ang ilang mambabatas na kasapi ng oposisyon sa nangyayaring gulo sa Marawi City.

Show comments