Agawan sa mikropono: 2 patay

Sinusuri ng SPD SOCO team ang isa sa mga bangkay na nagtamo ng maraming saksak matapos ang isang rambol sa isang videoke bar sa Makati City kahapon ng madaling araw. Photo byJoven Cagande

MANILA, Philippines - Patay ang dalawang lalaki habang isa ang malubhang nasugatan matapos na mag-agawan sa mikropono para kumanta sa isang awit na kapwa nila gusto sa loob ng isang videokebar kahapon ng madaling araw sa Makati City.

Ang mga nasawi ay kinilala sa mga pangalang  Locre Mabini, at Raymar Octavio, kapwa nasa hustong gulang at mga obrero, habang isinugod naman sa pagamutan ang sugatang si Teodoro Laguer. 

Tumakas naman ang grupo ng kalalakihan na nakaaway ng mga biktima.

Sa inisyal na ulat, bago naganap ang krimen dakong alas-3:00 ng mada­ling araw sa loob ng isang maliit na bar sa kanto ng Chino Roces Avenue at Ponte Street, Brgy. Sta. Cruz ay kapwa customer ang mga biktima at mga suspek na kung saan ay nagkataong pareho ang na-request na kanta.

Kaya’t nang tumutugtog na ang kanta ay nag-agawan ang mga ito na naging dahilan para sila ay magrambulan.

Dito nagbunot ng patalim ang isa sa mga salarin at pagsasaksakin ang mga biktima na naagrabyado sa kanilang upakan. 

Wala nang nagawa ang mga rumespondeng barangay tanod sa lugar nang agad na magsitakas ang mga salarin.

Patuloy ang pagkalap ng pulisya ng detalye sa naganap na krimen kabilang ang pagkuha ng testimonya ng mga tauhan ng bar at kung posibleng nakunan ng “closed circuit television (CCTV)” ang insidente o ang mga suspek para sila ay makilala.

Show comments