3 miyembro ng Air Force, utas sa chopper crash

MANILA, Philippines - Patay ang tatlong sundalo ng Philippine Air Force (PAF) habang sugatan naman ang isa pa matapos mag-crash ang sinasakyan nilang helicopter habang nagsasagawa ng training sa loob ng Camp Capinpin sa Sitio Hilltop, Brgy.Sampaloc, Tanay, Rizal kahapon ng hapon.

Ayon kay Xyzon Me­neses, Spokesman ng Army’s 2nd Infantry Division (ID), kabilang sa mga nasawi ay isang piloto at dalawang crew ng UH-ID helicopter.

Tumanggi muna ang opisyal na tukuyin ang pagkakakilanlan ng mga nasawi dahilan iniimpormahan pa ang pamilya ng mga ito.

Habang dinala na sa AFP Medical Center sa V. Luna, Quezon City ang isang nasugatan sa insidente upang malapatan ng lunas.

Batay sa ulat, bandang alas-3:00 ng hapon nang maganap ang pagbagsak ng naturang chopper sa bisinidad ng nasabing lugar.

Ayon sa PAF, nagsasagawa umano ang 2nd Infantry Division ng air-to-ground disaster rescue operation sa Camp Capinpin kasama ang 60 sundalo at 12 pulis mula sa Southern Tagalog nang magkaroon ng problema ang isa sa mga helicopter.

Maliban sa mga nasawi at sa naiulat na sugatan ay wala namang iba pang nadamay sa aksidente.

Show comments