Quiapo explosion di terror attack - Bato

Pinawi ni Philippine National Police Chief P/Director General Ronald “Bato’ dela Rosa ang mga espekulasyon na ‘terror attack’ umano laban sa idinaraos na ika-30th Association of Southeast Asian Summit ang nangyaring pagpapasabog ng homemade pipe bomb sa Quezon Boulevard malapit sa Quiapo Church na ikinasugat ng 14 katao nitong Biyernes ng gabi.
Joven Cagande

Gang war sinisilip na anggulo

MANILA, Philippines -  Pinawi ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Ronald “Bato’ dela Rosa ang mga espekulasyon na ‘terror attack’ umano laban sa idinaraos na ika-30th Association of Southeast Asian (ASEAN) Summit ang nangyaring pagpapasabog ng homemade pipe bomb sa Quezon Boulevard malapit sa Quiapo Church na ikinasugat ng 14 katao nitong Biyernes ng gabi.

“It’s not a terror attack, the incident is not connected or directed against ASEAN Summit,” ani Dela Rosa base na rin sa progreso ng imbestigasyon sa kaso.

 Si Dela Rosa, Natio­nal Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Oscar Albayalde at iba pang mga opisyal ay personal na nag-ins­peksyon sa ‘blast site’ nitong Biyernes ng gabi.

Iniulat naman ni MPD Director P/Chief  Supt. Joel Napoleon Coronel na kabilang sa mga nasugatan ay sina Ramon Carious, 46; Rolando Gubat, 45; Pepito Enriquez, 44; Migine Lopez, 24; Mayvelyn Olipas, 19; Alvin Michael Vallila, 20; Reynaldo Cabanilla at iba pa. Ang mga biktima ay nilalapatan na ng lunas sa pagamutan.

Ayon pa kay Alba­yalde sa kasalukuyan, ay gang war ang sinisilip nilang anggulo sa motibo ng pagpapasabog kung saan sa pinakahu­ling update kahapon ng umaga ay naitala na sa 14 katao ang nasu­gatan sa insidente kabilang ang dalawang nasa malubhang kalagayan.

 Bandang alas-10 ng gabi nang sumabog ang improvised pipe bomb sa kahabaan ng Quezon Boulevard sa panulukan ng Soler Street Extension na ikinagulantang ng mga tao sa lugar.

“ The explosion injured 14 persons, it  was caused by an improvised pipe bomb. Initially, we gathered that this started w/ the mauling of a minor by 3 individuals. The pipe bomb came as a revenge to the three,” pahayag ni Albayalde.

 Sinabi rin ni Alba­yalde na walang kinalaman sa pagdaraos ng ASEAN Summit sa Phi­lippine International Convention Center (PICC) ang pagsabog. Sa kasalukuyan, ayon sa mga opisyal ay nirerebyu na ng mga imbestigador ang CCTV sa lugar habang patuloy ang masusing imbestigasyon sa kaso. 

Show comments