2 todas, 5 timbog sa anti-drugs ops

MANILA, Philippines - Napatay ang dalawang lalaki na sangkot sa iligal na droga habang lima ang naaresto sa magkahiwalay na anti-drug operation na ikinasa ng Quezon City Police District Station- 4, kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang mga nasawi na sina Meliton Nacion, alyas Saddam, 39, ng Lydia St., Sitio Aguardiente, Novaliches; at Joseph Paralejo, nasa hustong gulang ng Big­lang Awa Compound, Brgy. Bagbag sa lungsod.

Naaresto naman sina Ernesto dela Santos, 37; Jerry Sirnicula, 42; Rommel Nacion, 44; Norman Giray, 26; at Janno Claraval, 29.

Naganap ang unang operasyon sa may no. 85 Lydia Street Interior, Sitio Aguardiente, Novaliches, QC, dakong alas-7:15 ng gabi at naaktuhan ang mga suspek na sina Meliton, Dela Santos, Sirnicula, at Rommel na bumabatak ng shabu, pero nanlaban umano si Meliton na nagresulta sa kanyang pagkakasugat habang inaresto  ang tatlo.

Naitakbo pa si Meliton Nacion sa Novaliches District Hospital pero idineklarang dead-on-arrival.

Dakong alas-9:02 ng gabi nang ikasa naman ang buy-bust operation laban kina Paralejo, Giray, at Claraval sa Block 2, Lot 8  Biglang-Awa compound, Bgy. Bagbag, Novaliches at dito ay nanlaban umano si Paralejo na nasa drug watchlist dahilan para siya gantihan ng putok at tinamaan na dinala sa ospital,subalit namatay din. Habang naaresto naman sina Giray at Claraval.

Show comments