4 pang Davao bombers timbog

MANILA, Philippines – Umiskor ang pinagsanib na elemento ng militar at pulisya kasunod ng pagkakaaresto sa apat pang miyembro ng Maute terrorist group na sangkot sa madugong Davao City bombing noong Setyembre 2  na kumitil ng buhay ng 15 katao habang mahigit pa sa 70 ang nasugatan  sa isinagawang magkakahiwalay na operasyon sa Cotabato City nitong Sabado ng madaling araw.

Kinilala ni Philippine Army Spokesman Col. Benjamin Hao ang mga nasakoteng suspek na sina Mohammad Lalaog Chenikandiyil alyas Datu Boi, Jackson Mangulamas Usi alyas Abu Mansor, Jam Zack Villanueva Lopez alyas Haron at Ansan Abdula Mamasapano alyas Abu Hamsa; pawang miyembro ng  Dawla Islamiya Fi Cotabato-Maute Group.

Ayon kay Hao ang mga suspek ay  nasakote sa  magkakahiwalay na operasyon sa compound ng  Southern Philippine Development Authority (SPDA) sa Barangay Tamontaka at Ilang-ilang street, Barangay Rosary Heights 7, Cotabato City dakong alas-2:40 ng madaling araw.

Sinabi ni Hao na ang mga suspek ay nasakote base sa ibinigay  na impormasyon ng tatlo ng mga itong kasamahang terorista na una nang nasakote noong Oktubre 5.

Inaresto ang mga suspek sa bisa ng search warrant sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 10591 (Comprehensive  Law on Firearms and Ammunition) na inisyu ni Cotabato Regional Trial Court  Branch 13 Judge  Banzawan Ibrahim.

Narekober mula sa mga suspek ang isang cal. 45 pistol na may buradong serial number at puno ng mga bala, isang cal. 38 pistol na may anim na rounds ng bala, limang rounds ng bala ng cal. 38 pistol, isang piraso ng magazine ng cal 5.56 MM, tatlong piraso ng   60 mm mortar improvised explosive devices, isang piraso ng  105 mm howitzer improvise explosive device at isang hand grenade.

Show comments