Estudyante, nag-selfie sa 20 storey condo nahulog, patay

MANILA, Philippines – Agad namatay nang mahulog mula sa roofdeck ng 20-palapag na condominium sa Ermita, Maynila ang isang 19-an­yos na estudyante dahil sa pagse-selfie kamakalawa ng hapon.

Ang biktima ay kinila­lang si Cristina Marie Paga­lilauan, 3rd year Masscomm student sa Adamson University at residente ng B2, L21, Eternity Street, Compil 3, San Vicente, San Pedro, Laguna.

Batay sa ulat, bandang alas-5:20 ng hapon nang mangyari ang insidente at alas-7:00 ng gabi nang matanggap ng pulisya ang ulat tungkol sa pagkahulog ng biktima mula sa roof deck ng 20 palapag ng Dah­lia Tower, Suntrust Parkview Condominium, Natividad Lopez  St., Ermita.

Ayon pa imbestigasyon, bago tuluyang mahulog mula sa roof deck ay nagawa pang kumapit sa window molding ang biktima bago tuluyang bumigay ang lakas at bumulusok sa ibaba.

Nabatid na nagtungo umano sa nasabing condominium ang biktima kasama ang kaklaseng si Jonea Mildred Ani at doon nagkuhaan ng litrato gamit ang cellphone.

Unang nagtungo sa Unit 4 sa 4th floor ng condo ang dalawa kahit wala ang may-ari ng unit na nobyo umano ng biktima dahil may hawak umano itong ekstrang susi bago sila umakyat sa 20 palapag.

Habang nag-scan si Ani sa mga naunang shots ay umakyat ang biktima sa pader o parakeet wall dahil mas gusto niya umano na mahagip ang overlooking background.

Pinigilan umano siya ni Ani para huwag akyatin dahil baka mahulog, subalit mabilis umano ang pangyayari at nahulog na nga biktima.

Show comments