Drug bust: Parak, 2 pa tiklo

MANILA, Philippines – Inaresto ng mga otoridad ang tatlong katao kabilang ang isang pulis matapos na mahulihan ng shabu at mga armas sa isinagawang buy bust operation sa Iligan City, Lanao del Norte kamakalawa.

Kinilala ang mga nasakoteng suspek na sina  SPO1 Isidro Reuyan; Gabriel Rodriguez alyas Ikong; at Allen Bahunsua.

Batay sa ulat, kamakalawa ng gabi nang magsagawa ng ope­rasyon ang otoridad at naaresto ang mga suspek sa Purok 8 B, Santigao, Iligan City.

Nasamsam sa pag-iingat ni Rodriguez ang tatlong cal 38 revolver, sari-saring mga cartridge ng mga armas at P 500.00 bill marked money.

Inaresto rin sina SPO1 Reuyan at Bahunsua  matapos dumating sa lugar at pigilan ang operasyon sa target na si Rodriguez na nasa drug watchlist ng pulisya.

Nakumpiska sa mga suspek ang dalawa pang cal. 45 pistol, magazine, dalawang sachet ng shabu na tumitimbang ng 3.5 gramo  na nagkakahalaga ng 500,000.00, drug paraphernalia at isang motorsiklo na gamit ng mga ito sa kanilang illegal na aktibidad.

Ang tatlong suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 o ang Firearms and Ammunition Law at RA 9165 o ang Dangerous Drugs Law habang si SPO1 Reuyan ay may karagdagang kasong administratibo.

Show comments