Tatlong miyembro ng hold up group, nasakote

MANILA, Philippines - Tatlong miyembro ng kilabot “Sayas Group” na responsable sa mga kaso ng holdapan at pagpatay ang  nasakote  ng mga otoridad  sa kanilang hideout sa Valenzuela City kamakalawa ng gabi.

Ang mga suspek ay kinilalang sina Roberto Asis, 35; Reynaldo Lubinas, 31 at ang  lider na si Noel Barcelon “alyas Sayas”, 45.

Bago ang pagsalakay sa kuta ng mga suspek ay una nang nagsagawa ng surveillance operation ang mga pulis  hinggil sa illegal na aktibidades  ng grupo matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang impormante.

Nang magpositibo ay  sinalakay ang hideout ng mga suspek sa Calle 11, Barangay Gen. T. De Leon  ng nasabing lungsod alas-11:00 ng gabi.

Nasorpresa ang mga suspek kaya’t hindi na nakapanlaban sa mga pulis at nakumpiska sa mga ito ang dalawang baril, ilang bala, patalim at isang walang plakang motorsiklo na sinasabing ginagamit ng mga ito sa kanilang illegal na gawain.

Show comments