Suspek inaalipusta raw ng biktima... Dalaga sinaksak ng 70 beses

MANILA, Philippines - “Labis ang sama ang loob ko sa kanya dahil madalas niya akong laitin at alipustahin kapag kami ay nagsasalubong kaya’t pinatay ko siya”.

Ito ang pag-amin ng suspek na si Ronald Rosello, 28, binata, naninirahan sa Unit 920, 9th floor ng Park Avenue Mansion, Park Avenue, Pasay City sa pagpatay nito sa biktima na si Rachelle Fernandez, 23, ng  Unit 832, 8th floor, ng nasabing condominium at kawani ng Solaire Casino Hotel.

Namatay noon din si Fernandez dahil sa tinamong 70 saksak ng gun­ting sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Bago nangyari ang krimen dakong alas-6:45 ng umaga ay inabangan ng suspek  ang paglabas ng biktima sa condo unit  para pumasok sa trabaho.

Kaya’t paglabas ng dalaga ay agad itong sinalubong ng suspek ng mga saksak na umabot ng 70 beses na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Nang mapatay ang dalaga ay tumakas ang suspek at pumasok ito sa unit 843, na pag-aari  ni Ronaldo Reyes 43, isang OFW para dumaan sa bintana.

Lumabas ng unit si Reyes kasama ang kanyang mag-ina at ipinagbigay alam sa mga
nakatalagang guwardya ang insidente na siya namang  nag-report sa pulis.

Kaswal lang na bu­maba ng lobby ng condominium ang suspek para tumakas, subalit agad siyang inaresto ng mga pulis.

Nabatid na bangag sa droga ang  suspek nang isagawa nito ang pagpatay sa biktima.

Kakasuhan ang suspek ng murder at illegal possession of deadly weapon.

 

Show comments