Parak tinodas ng tandem

Nagsasagawa ng imbestigasyon ang SOCO team sa lugar na kung saan binaril at napatay ng riding in tandem si SPO3 Delfin Macario, 49 sa Valhalla St., ilang metro lang ang layo sa Pasay City Hall kamakalawa. (Bening Batuigas)

MANILA, Philippines – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang pulis-Pasay nang ito ay pagbabarilin ng dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo kamakalawa ng gabi malapit sa Pasay City Hall.

Ang biktima na nagtamo ng tatlong tama sa ulo at katawan ay kinilalang si SPO3 Delfin Macario, 49, nakatalaga sa Station Anti-Drugs- Special Operation Task Group (SAID-STOG) ng Pasay City Police  at naninirahan sa Block 4, Lot 2, Vereneo Subdivision, Barangay San Sebastian, Kawit, Cavite.

Batay sa ulat, bandang alas-9:21 ng gabi, malapit sa Pasay City Hall tapat ng Summerlin Building na matatagpuan sa kahabaan ng F. B Harrison St., kanto ng  Valhalla St., ng naturang lungsod ay kasalukuyang  naglalakad si SPO3 Macario patungo sa kanyang nakaparadang kulay silver na Mitsubishi Montero (MAC-56) na nakaparada sa nasabing gusali.

Habang binubuksan ang parteng likod ay biglang sumulpot ang dalawang lalaki na magkaangkas sa isang motorsiklo at sabay na pinaputukan ng tatlong beses sa ulo at katawan ang biktima.

Pagbagsak ng biktima ay mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa Libertad St.

Ilang bystanders na  nakakita sa pangyayari ang nagsugod sa biktima sa ospital.

Nakatakdang busisiin ng pulisya ang nakaka­bit na CCTV camera sa naturang lugar para sa pagkakakilanlan ng mga suspek.

Show comments