Koko kay P-Noy: Mag-’hands off’ sa Binay probe

MANILA, Philippines – Ipinahayag kahapon ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel chairman ng Senate Blue Ribbon sub-committee na dapat ay hands-off ang presidente sa conduct ng legislative investigation.

Magugunita na nagpahayag si Pangulong Benigno Aquino III na hindi dapat pautay-utay ang paglalabas ng ebidensiya sa isinasagawang imbestigasyon laban kay Vice President Jejomar Binay.

Sa isang text message ipinahiwatig ni Pimentel na hindi maaaring pabilisin o ipahinto ng Pangulo ang anumang imbestigasyon kahit pa ang iniimbestigahan ay malapit sa kanya o mi­yembro ng Gabinete.

Naniniwala si Pimentel na hindi magandang precedent ang naging pahayag ng Pangulo dahil maaaring isipin na pinakikialaman nito ang isang co-equal branch ng gobyerno.

Ayon pa kay Pimentel dapat ang pinupuna ng Pangulo ay ang mga departamento na nasa ilalim ng executive branch katulad ng Department of Justice na nagsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon tungkol sa sinasabing overpriced na building sa Makati at maging sa mga diumano’y ill-gotten wealth ni Binay.

Nauna rito sinabi naman ni Senate President Franklin Drilon na bilang isang dating senador alam ng Pangulo ang trabaho ng Senado dahil ito ay na­ging Senador din.

Show comments