Onsehan sa partihan: 2 holdaper tumba sa kasama

Ang dalawang holdaper na pinatay ng kanilang kasama  sa kanilang hideout matapos magka-onsehan sa hatian ng mga pera at kagamitan mula sa isang babae na kanilang hinoldap kamakalawa ng gabi sa Caloocan City. (Bening Batuigas)

MANILA, Philippines – Dalawang holdaper ang pinaslang ng kanilang kasamahan dahil sa onsehan ng partihan sa kanilang nakulimbat kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Kinilala ang mga biktima na sina Eric Bautista, 34; at Victor Magat, 42, kapwa naninirahan sa Phase 1, Package 3, Block 63, Lot 5, Brgy. Bagong Silang, ng naturang lungsod.

Ang dalawang biktima ay nagtamo ng mga tama ng bala buhat sa isang kalibre .9mm pistol at 12 gauge shotgun.

Pinaghahanap naman ang kasamahan nilang si alyas Banong na pinaniniwalaang suspek sa pagpatay.

Batay sa ulat, dakong alas-10:30 ng gabi nang matagpuan ang bangkay ng dalawang biktima sa loob ng tinitirhang bahay ng mga ito sa nasabing lugar.

Lumalabas sa imbestigasyon, dakong alas-10:00 ng gabi nang holdapin ng mga ito ang isang Janice Santos, 25, sales lady, habang naglalakad pauwi sa may Bagong Silang main road sa Phase 1.

Tinangay ng mga holdaper ang cellular phone at pera ng biktima na aabot lamang sa halagang P350 at tumakas tungo sa direksyon ng Phase 1, Package 3.

Ilang minuto ang nakalipas, sunud-sunod na putok ng baril ang umalingawngaw sa naturang lugar at sa pagresponde ng mga tauhan ng Police Community Precinct 3 ay nadiskubre ang bangkay nina Bautista at Magat.

Nakita ng isang saksi na nagmamadali palabas ng bahay na pinanggalingan ng krimen si alyas Banong.

Show comments