Mister pinugutan ng ulo

MANILA, Philippines - Tinadtad at pinugutan ng ulo ang isang 41-anyos na mister ng hindi nakilalang salarin sa Brgy. Tungawan, Sominot, Zamboanga del Sur kamakalawa sa sinakmal ng lagim na paggunita sa Undas.

Sa ulat ng Police Regional Office (PRO), kinilala ang nasawing mister na si Jorge Calibjo, live in partner ni Jupilyn Ebid; pawang residente ng naturang barangay, kung saan nagtamo ang una ng malalalim na taga sa katawan at pinugutan ng ulo.

Ang insidente ay ini-report sa mga awtoridad ni Sanggunian Bayan Member Marcus Mangubat  nang matagpuan ang pugot na ulo ng biktima dakong alas-6 ng gabi kung saan positibo rin itong kinilala ni Ebid batay sa suot na damit at ilang palatandaan sa katawan.

Sa imbestigasyon, dakong alas-3 ng hapon ng magpaalam ang biktima kay Ebid na magpapastol lamang ng kalabaw may 700 metro ang layo sa kanilang ta­hanan, ngunit laking gulat niya ng i-text ng kapit-bahay hinggil sa sinapit ng biktima.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kasong ito upang matukoy at mapanagot sa batas ang salarin.

Show comments