Pamilya, 3 nilamon ng lupa

MANILA, Philippines - Nilamon ng lupa ang tatlong miyembro ng isang pamilya sa naganap na landslide kamakalawa sa Brgy. Sinuda, Kitaotao, Bukidnon.

Inaalam pa ang pangalan ng padre de pamilya, ina at isang batang anak nito na may apelyidong Unsay.

Sa ulat ni Chief Inspector Jiselle Longgakit, Spokesperson ng Bukidnon Police na ang lugar ng pinangyarihan ay tinatayang nasa 100 kilometro ang layo o maihahambing sa dalawang araw na pagla­lakad bago makarating sa sentrong bahagi ng bayan ng Kitaotao.

Lumalabas sa imbestigasyon, sa pagitan ng alas-7:00 at alas-8:00 ng gabi habang mahimbing na natutulog ang mag-anak sa loob ng kanilang bahay na nasa paanan ng bundok sa liblib at malayong bulubunduking barangay sa bayan ng Kitaotao nang maganap ang pagguho ng lupa.

 Masuwerte  namang nakaligtas sa insidente ang isang batang anak ng mag-asawa, subalit hindi pa ito makausap dahilan sa tindi ng trauma at patuloy pang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.

Ang  landslide ay sanhi ng malalakas na pag-ulan sa lugar.-Joy Cantos-

 

Show comments