Car sales exec. dedo sa holdap

MANILA, Philippines - Dedo ang isang 27 taong gulang na sales exe-­cutive ng isang car company matapos na siya aybarilin ng dalawang holdaper na bumiktima sa kanya sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Maraming beses na binaril sa ulo at katawan ng dalawang holdaper ang  biktimang si Mark Matthew Alvarez,  sales executive ng Mitsubishi Motors.

Ang insidente ay naganap dakong alas-3:00 ng madaling araw sa tapat ng Petron  gasoline station sa kanto ng Commonwealth Avenue at Atherton Street, Barangay North Fairview sa lungsod.

Ayon kay Inspector Elmer Monsalve, hepe ng Homicide Division ng Quezon City police, narekober nila sa  crime scene ang 3 bala ng kalibre 45 at  3 bala ng 9mm na baril.

Sinasabing sakay ang biktima ng kanyang kulay pulang Honda Scoopy motorcycle sa naturang gas station  ng lapitan siya ng dalawang suspek at holdapin.

Sinasabing nanlaban ang biktima kaya ito pinagbabaril ng mga suspek at mabilis na tumakas tangay ang pera, cell phone at motorsiklo ng biktima.

Nagsasagawa ngayon ng follow-up operation ang mga awtoridad para madakip ang dalawang salarin.

 

Show comments