Ma’am ‘Arlene’ umeskapo na - BI

MANILA, Philippines - Sinasabing nakaeskapo na palabas ng bansa si “Ma’am Arlene” na mala-Janet Napoles sa hudikatura.

Nabatid mula kay  Bureau of Immigration (BI) Commissioner Siegfred Mison na nakalabas na ng Pilipinas  si Arlene Angeles Lerma, ang umano’y isa sa tatlong “Ma’am Arlene”  na iniimbestigahan ng Korte Suprema.

Batay anya sa record, nitong Oktubre 16, Miyerkules nakaalis ng bansa si Lerma lulan ng Philippine Airlines flight mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 patungo sa isang bansa sa Asya na hindi na tinukoy ng BI.

Nakumpirma rin ng National Bureau of Investigation (NBI) na isa sa kanilang iniimbestigahan ang taong nakaalis ng Pilipinas matapos magtugma sa kanilang record ang petsa ng kapanganakan nito na July 1, 1968 sa dokumentong ginamit ni Lerma sa pagpunta sa abroad.

Depensa naman ng BI sa pag-alis ni Lerma, walang Hold Departure Order (HDO) o kaso laban dito.

Bagama’t sinasabing madalas mag-abroad si ‘Ma’am Arlene’, wala namang impormasyon kung kailan babalik o kung babalik pa ito.

Naging maimpluwensya umano si “Ma’am Arlene” sa eleksyon ng Philippine Judges Association (PJA) at sinasabing  big time fixer ng mga kaso sa Hudikatura.

Show comments