Kelot nag-post sa FB, bago nag-suicide

MANILA, Philippines - Nag-post ng pamama­alam sa kaniyang facebook account ang isang 27-anyos na lalaki bago ito nagpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon sa ikaapat na palapag ng isang mall sa Davao City, kamakalawa.

Ang biktima na positibong kinilala ng kaniyang pamilya ay si Nestor Ramos, residente ng Isabela Homes, New Visaya, Panabo City.

Halos basag ang bungo at nagkabalibali ang buto ng biktima dahilan sa lakas ng pagbagsak nito sa sementadong parking area.

Batay sa ulat, dakong alas-8:10 ng gabi nang big­la na lamang lumagapak ang katawan ng biktima sa parking area sa exit road ng GMall na matatagpuan sa kahabaan ng Sta Ana Ave­nue sa lungsod.

Bago ang insidente ay namataan na ng ilang mga staff at guwardiya sa mall ang biktima na tila wala sa sarili na paikot-ikot umano sa ikaapat na palapag.

Laking gulat ng mga ito nang bigla na lamang tumalon ang biktima habang konti na lamang ang tao sa mall na ma­lapit nang magsara.

Nabatid na ang biktima ay galing Maynila na nagtungo sa kanilang lugar sa Davao City at umano’y nagposte pa ng pamamaalam sa kaniyang facebook account bago nag-suicide.

 

Show comments