Sanggol dedbol sa suntok ng tatay

MANILA, Philippines - Namatay habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang isang buwang gulang na sanggol na lalaki matapos na ito ay aksidenteng masuntok ng ama habang karga ng ina na ginugulpi naganap ka­makalawa sa bayan ng Maayon, Capiz.

Ang sanggol ay kinila­lang si Jay Osorio na na­sawi matapos mamaga ang mukha nito at namuo pa ang dugo nang tamaan ng malakas na suntok ng ama nitong si Jerry Osorio.

Sa ulat na natanggap ni Capiz Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Domingo Cabillan, naganap ang insidente dakong alas-9:00 ng gabi sa bahay ng suspek na nasa isang bu­­­lubunduking lugar sa Brgy. Old Guia, Maayon ng lalawigan.

Sa inisyal na imbestigasyon, lasing na umuwi ang suspek sa bahay at dito ay inaway ang misis na si Joyce, 30 na noon ay karga ang sanggol at pinadedede.

Sa gitna ng mainitang pagtatalo ay pinagsususuntok ng suspek ang misis na natanggalan ng dalawang ngipin at hindi mamulat ang mata sa tinamong black eye.

Kahit na nanghihina ay patuloy pa rin ang pag­gulpi ng suspek sa misis nito na kung saan isa sa malakas nitong suntok ay dumapo sa sanggol na anak.

Nangitim ang sanggol na halos hindi na hu­­mi­­hinga kaya’t mabilis itong dinala sa pagamutan hanggang sa tuluyang bawian ng buhay.

Naglunsad na ang pulisya ng malawakang manhunt operation laban sa sadistang mister na nahaharap sa kasong infanticide.

Show comments