Holdaper dedo sa shootout

MANILA, Philippines - Dedo ang isa sa da­lawang holdaper makaraang makipagbarilan sa mga awtoridad ilang minuto makaraang holdapin ang isang dalaga sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Walang nakuhang identification card sa katawan ng napatay na holdaper na inilarawan sa edad na 25-30, moreno, katamtaman ang pangangatawan, may taas na 4’10, nakasuot ng itim na base ball cap, pu­ting t-shirt at itim na congo pants. May tattoo din na “CHIKANO” sa dibdib at tribal tattoo sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Ang napatay ay siyang sinasabing nangholdap sa biktimang si Gyde Soriano, 25, estudyante at re­sidente sa Brgy. Sacred Hearth Subdivision, Brgy. Lagro, Quezon City.

Ayon kay PO2 Romeo Nino II, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may Aburetum St., Brgy. UP campus, Di­liman, ganap na alas-8:20 ng gabi.

Bago ang barilan ay hinol­dap ng dalawang suspek ang estudyante habang nag­lalakad sa harap ng UP techno hub sa kahabaan ng Commonwealth Avenue na sapilitang tinangay ang cell phone at wallet ng biktima na may lamang pera.

Agad namang humingi ng tulong ang estudyante sa mga awtoridad na mabilis namang rumesponde sa pangunguna ni Senior Insp. Roderick Medrano kaya naispatan ang mga suspek na nag-aabang ng kanilang mga bagong bibiktimahin.

Papalapit pa lamang ang mga awtoridad sa dalawang holdaper para sila ay sitahin nang magbunot ng baril ang isa sa kanila at nakipagbarilan na nagresulta ng kanyang kamatayan habang mabilis na tumakbo ang kanyang kasama.

Narekober sa crime scene ang isang kalibre 38 baril na may apat pang bala at ang cell phone ng estudyante.

Show comments