Abella tumatakbo para sa mga anak

MANILA, Philippines — Maski ang matinding init ay hindi alintana ni Lizane Abella para lamang magtagumpay sa ngalan ng kanyang tatlong anak.

Tinawid ng 35-anyos na si Abella ang finish line sa bilis na 3:21:05 para pagreynahan ang wo­men’s 42-kilometer division ng 2024 Milo National Marathon Manila Leg kahapon sa SM Mall of Asia Grounds sa Pasay City.

“Tumatakbo po ako para sa tatlo kong anak,” sambit ng tubong Ming­lanilla, Cebu na noong 2015 pa sumasali sa mga marathon sa Cebu City at mga karatig probinsya.

Ito ang unang panalo ni Abella sa Milo National Marathon matapos ang parehong third place finish noong 2017 at 2023.

“Pangarap ko pong mapagtapos ng pag-aaral ang mga anak ko para magkaroon sila ng magandang kinabukasan,” wika ni Abella. “Hanggang kaya kong tumakbo sasali ako sa mga races para sa kanila.”

Tinalo ni Abella para sa Manila Leg crown sina 2023 winner Maricar Camacho at Jewel De Luna na nagtala ng mga oras na 3:26:19 at 3:27:05, ayon sa pagkakasunod.

“Nag-maintain lang ako ng phasing ko kasi napakainit talaga ng panahon, kaya iyong time ko mababa kumpara sa personal best time ko na 3:12.00,” dagdag ng Cebuana runner.

Inangkin naman ni Florendo Lapiz ng Carcar, Cebu ang korona ng men’s division sa kanyang tiyempong 2:42:33 kasunod sina Salvador Polillo (2:49:54) at Wilfred Esporma (2:58:51).

Sina Abella at Lapiz ay parehong miyembro ng ‘Spectrum Runners’ team ay matic na tatakbo sa Milo National Marathon Finals sa Disyembre 1 sa Cagayan De Oro.

Panalo naman sina 2019 Southeast Asian Games gold meda­list Christine Hallasgo (1:24:27) sa women’s 21K at Richard Salano (1:08:38) sa men’s 21K.

Wagi sa men’s at wo­men’s 10K sina James Orduna (0:32:23) at Anisha Caluya (0:48:03).

Show comments