MANILA, Philippines — Lumiyab ang opensa ni Casiey Dongallo para tulungan ang University of the East sa 23-25, 25-17, 27-25, 25-22 panalo kontra sa University of the Philippines sa UAAP Season 86 women’s volleyball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Laglag na sa asam na Final Four ngunit ipinakita pa rin ni Dongallo ang kanyang tikas bago sila magbakasyon ngayong season.
Tumikada si Dongallo ng 28 points mula sa 25 attacks, dalawang blocks at isang service ace para sa Lady Warriors na inilista ang 3-11 baraha.
“Masaya kasi even though may goal kami na hindi namin nagawa pero nandito pa rin kami,” wika ni Dongallo.
“Nanalo naman kami sa last game namin and naibigay namin iyon sa seniors kasi sabi ko sa kanila aalis sila sa UE na iba naman iyong history,“ dagdag nito.
Bahagyang nag-umento ang Recto-based squad at naungusan nila ang 1-13 finish sa nakaraang season, ayon kay UE interim coach Obet Vital.
“Given the rookies that we have playing, I felt that we did pretty good. Could have done better but very proud of the accomplishments so far,” ani Vital.
Nakatulong ng super rookie na si Dongallo sa opensa si Riza Nogales na may 17 markers, habang 10 ang kinana ni Kayce Balingit para sa Lady Warriors.
Nag-ambag si Kizzie Madriaga ng 12 excellent sets at may apat na digs si second-year libero Ange Reyes.
Ito ang huling laro nina Dea Villamor, Dara Nieva at Jen Zeta para sa UE.
Ginawa naman ni Abi Goc angh huli niyang laro para sa UP.
Winakasan ng Lady Maroons ang torneo sa isang seven-game losing slump para sa kabuuang 1-13 record.
Bumandera para sa UP sina Steph Bustrillo at Irah Jaboneta na may tig-15 points.