Olympic qualifying paghahandaan ni EJ

EJ Obiena
STAR / File

MANILA, Philippines — Sisimulan ni World No. 3 pole vaulter EJ Obiena ang kanyang paghahanda para sa mga darating na qualifying tournaments ng 2024 Olympic Games sa Paris, France.

Sa Hulyo 1 magbubukas ang mga qualifiers at magtatapos sa Hunyo 30 ng susunod na taon kung saan inilatag ang Olympic standard na 5.82 meters para sa men’s pole vault.

Hangad ng 27-anyos na si Obiena na muling makalundag sa Olympics sa 2024 sa Paris matapos pumuwesto sa No. 11 sa nakaraang Tokyo Games.

Nanggaling si Obiena sa pagkopo sa gold medal sa nakaraang 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia noong Mayo.

Sinira ng Batang Tondo ang sarili niyang SEA Games record sa Cambodia para sa bagong meet mark na 5.65 meters.

Kasalukuyang hawak ni Obiena ang national at Asian record na 5.94m na nagbigay sa kanya ng makasaysayang bronze medal sa World Athletics Championships sa Eugene, Oregon noong nakaraang taon.

Nakatakdang lumun-dag ang three-time SEA Games gold medalist sa 5th Irena Szewinska Memorial bukas sa Bydgoszcz, Poland kasunod ang dalawa pang international competitions.

Matapos ito ay bibiyahe si Obiena patungong Norway para sumabak sa Sparebanken Vest Bergen Jump Challenge sa Hunyo 10 at sa Bislette Games sa Hunyo 15.

Show comments