Timberwolves pinigil ang Kings sa pagbulsa ng playoff berth

Ito ang ikaapat na sunod na ratsada ng Minnesota (39-37) mula sa pagwalis sa kanilang mga duwelo ng Golden State (39-37) at Sacramento (45-30) para tumabla sa Warriors sa sixth place sa Western Confe­rence playoff race.
STAR/File

Sacramento, Calif. — Umiskor si Jaden McDaniels ng 20 points at diniskaril ng Minnesota Timberwolves ang pagbulsa ng Kings sa isang playoff berth nang itakas ang 119-115 panalo.

Ito ang ikaapat na sunod na ratsada ng Minnesota (39-37) mula sa pagwalis sa kanilang mga duwelo ng Golden State (39-37) at Sacramento (45-30) para tumabla sa Warriors sa sixth place sa Western Confe­rence playoff race.

Makakaiwas ang top six teams sa East at West Conference na maglaro sa play-in tournament.

Nag-ambag si Naz Reid ng 18 points kasunod ang 17 markers ni Anthony Edwards para sa Timberwolves habang humakot si Rudy Gobert ng 16 points at 16 rebounds.

Pinamunuan ni De’Aaron Fox ang Kings sa kanyang 29 points at kumolekta si Domantas Sabonis ng 24 points at 10 rebounds.

Sa Denver, ipinoste ni Nikola Jokic ang kanyang ika-29 triple-double sa season sa tinapos na 25 points, 17 rebounds at 12 assists sa 116-111 pagdaig ng Nuggets (51-24) sa Philadelphia 76ers (49-26).

Sa Salt Lake City, humataw si Devin Booker ng 24 points sa 117-103 paggupo ng Phoenix Suns (40-35) sa Utah Jazz (35-40).

Sa Portland, tumipa si Brandon Ingram ng 29 points sa 124-90 dominasyon ng New Orleans Pelicans (38-37) sa Trail Blazers (32-43).

Sa Detroit, nagsalpak si Khris Middleton ng season-high na 34 points sa 126-117 pagsuwag ng Milwaukee Bucks (54-21) sa Pistons (16-59).

Show comments