Isyu sa swimming hihimayin sa TOPS

MANILA, Philippines — Isyu  sa Philippine swimming ang sentro ng talakayan sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ ngayon sa Behrouz Persian Cuisine sa Sct. Tobias, Quezon City.

Ilang personalidad sa swimming community, sa pangunguna ni dating National coach at ngayo’y Board member ng Congress of Philippine Aquatics, Inc. (COPA) Chito Rivera ang inaasahang magbibigay ng kani-kanilang programa at pananaw hinggil sa pagbawi ng FINA (International Swimming Federation) sa pagkilala sa Board membership ng Philippine Swimming, Inc. (PSI) – ang asosasyon na nangangasiwa sa mga gawain ng sports sa bansa.

Epektibo nitong Dis­yembre 3, 2022, ang mga gawain sa swimming ay pansamantalang pinangangasiwaan ng itinalagang Stabilization Committee ng FINA na binubuo ng mga opisyal ng Philippine Olympic Committee (POC).

Makakasama ni Rivera sa programa na nakatakda ganap na 10:30 ng umaga at mapapanood via livestreaming sa TOPS Usapang Sports Facebook page at Channel 45 ng pinakabagong network sa mobile apps na PIKO (Pinoy Ako) sina Swim League Philippines (SLP) president Fred Ancheta,  RSS Dolphins Swim coach Anthony Reyes at promi­sing swimmer Nicola Diamante.

Inaanyayahan ni TOPS president Beth Repizo-Meraña ang mga miyembro at opisyal na makiisa sa programa na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC) at Behrouz Persian Cuisine.

Show comments