Back-to-back win pakay ng Jaguar sa 2nd Leg Juvenile

MANILA, Philippines — Pakay ng connections ng Jaguar na masilo ang magkasunod na stakes race sa paglahok nito sa 2022 PHILRACOM “2nd Leg Juvenile” na ikakasa sa Metro Manila Turf Club Inc. sa Malvar, Tanauan City sa Batangas, bukas, (Linggo).

Nakaraang buwan lamang ay nagwagi ang Jaguar sa MARHO Breeders’ 2-Year-Old Juvenile Colts kung saan ay hinamig ng winning horse owner na si Juan Miguel Arroyo ang P300,000.

Muling rerendahan ni veteran jockey Fernando Raquel Jr. ang Jaguar at makakatapat niya ang iba pang nagkumpirma ng pagsali na sina Istulen Ola, Winner Parade, Earli Boating, Gintong Hari, Grand Monarch, La Trouppei, Light Bearer, Orange Bell, Rough Cut at Secretary.

Nakalaan ang garantisadong premyo na P1.8M sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM), may distansyang 1,400 meter race

Susungkitin ng mananalong kabayo ang P1.080M, may P360,000 ang maibubulsa  ng second placer habang tig-P180,000, P90,000, P54,000 at P36,000 ang third hanggang sixth ayon sa pagkakahilera.

Mapapasakamay naman ng breeder ng winning horse ang P90,000 at hanggang 3rd place ang cash prize.

Show comments