Pelicans inilubog ang Mavericks

Lumipad si Pelicans guard Trey Murphy III para sa kanyang dunk laban kay Luka Doncic ng Mavericks.

NEW ORLEANS — Kumonekta si Trey Murphy III ng perpektong 8-of-8 field goal shooting para tumapos na may 22 points sa 113-111 paglusot ng Pelicans sa Dallas Mavericks.

Hindi naglaro sina star forwards Brandon Ingram (concussion protocol) at Zion Williamson (hip bruise), ngunit nailista pa rin ng New Orleans ang kanilang ikatlong panalo sa apat na laro.

Kumamada si Luka Doncic ng 37 points, 11 rebounds at 7 assists sa panig ng Dallas (1-2), ngunit naimintis ang kanyang three-point attempt sa pagtunog ng final buzzer.

Sa Oklahoma City, nagtala si Shai Gilgeous-Ale­xander ng 33 points sa 108-94 paggupo ng Thunder sa Los Angeles Clippers.

Sa Phoenix, umiskor si Devin Booker ng 34 points sa 134-105 pagpapasikat ng Suns sa nagdedepensang Golden State Warriors.

Kumolekta si  Deandre Ayton ng 16 points at 14 rebounds para sa Phoenix, habang nasibak sa laro si Golden State guard Klay Thompson sa third period bunga ng dalawang technical fouls.

Sa Washington, nagsalpak si Kyle Kuzma ng 25 points sa 120-99 pagdomina ng Wizards sa Detroit Pistons.

Show comments