RDJ out pa rin sa Cargo Movers

MANILA, Philippines — Hindi masisilayan si veteran mentor Ramil De Jesus sa coaching staff sa oras na sumalang ang F2 Logistics sa Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference na papalo bukas sa Sta. Rosa Sports Complex sa Laguna.

Ito ang kinumpirma ng Cargo Movers kung saan magiging kahalili ni De Jesus si assistant coach Benson Bocboc para sa Reinforced Conference.

“Yes ako muna. Si coach Ramil wala pa,” ani Bocboc.

Hindi nilinaw ni Boc­boc ang dahilan ng pagkawala ni De Jesus sa team.

Subalit mananatili si De Jesus na nakabantay sa training ng Cargo Movers.

Ito ang ikalawang sunod na kumperensiya na hindi masisilayan si De Jesus sa PVL.

Una na itong hindi nag-coach para sa Cargo Mo­vers sa Open Conference noong Marso.

Gayunpaman, nananatiling mataas ang moral ng Cargo Movers lalo pa’t solido pa rin ang tropa nito.

Nakabalik na sa lineup si Filipino-American Kalei Mau na hindi nakapaglaro sa Open Conference matapos maglaro sa Amerika.

Nariyan pa ang mahusay na import na si American outside hitter Lindsay Stalzer.

 Hinugot pa ng F2 Logistics si middle blocker Ivy Lacsina na bahagi ng National University na nagkampeon sa UAAP Season 84 women’s volleyball tournament.

“Maganda yung pina­pakita ni Ivy. Malakas, kung tutuusin kumpleto siya as an offense and defensive player which is good. Marami tayong middles sa ngayon, we have five but she’s so far number one ngayon sa team in terms of function,” wika pa ni Bocboc.

Unang makakalaban ng F2 Logistics ang Chery Tiggo sa Martes sa Philsports Arena sa Pasig City. 

Show comments