Rosario pinakawalan ng Tropang Giga; Oftana nahugot

Ang pagdating ni Calvin Oftana sa TNT Tropang Giga ang lalo pang nagpalakas sa kanilang backcourt, habang sa kanang na larawan si Troy Rosario na mapupunta na sa Blackwater.

MANILA, Philippines — Nagtapos na ang pag­lalaro ni power forward Troy Rosario para sa TNT Tropang Giga.

Isinama ng Tropang Giga si Rosario kay Gab Banal sa isang six player, three-team trade na kinasangkutan din ng NLEX Road Warriors at Blackwater Bossing.

Ipapasa ng NLEX sina Calvin Oftana at forward Raul Soyud sa TNT para makuha sina Rosario at big guard Banal.

Matapos ito ay ibibigay naman ng Road Warriors ang 6-foot-7 na si Rosario at ang 6’2 na si Banal sa Bos­sing kapalit nina No. 1 overall pick Brandon Ga­nuelas-Rosser at unrestricted free agent Paul Desiderio.

Kasama ang 30-anyos na si Rosario nang pagha­rian ng Tropang Giga ang 2021 PBA Philippine Cup, ngunit nawala sa eksena nang matalo ang PLDT franchise sa San Miguel Beermen sa 2022 edition.

Mas lalo namang la­lakas ang backcourt ng TNT sa pagdating ni Oftana para maisama kina Mikey Williams, veteran Jayson Castro at scorer Roger Pogoy.

Humataw ang 2020 PBA Draft No. 3 overall pick ng NLEX ng mga averages na 17.0 points, 7.8 rebounds, and 2.8 assists per game sa 2022 PBA Philippine Cup.

Samantala, ang Blackwater ang unang susukat sa guest team na Bay Area Dragons sa pagbubukas ng 2022 PBA Commissioner’s Cup sa Setyembre 21 sa MOA Arena sa Pasay City.

Haharapin ng Bossing ang Dragons sa ganap na alas-3 ng hapon kasunod ang upakan ng NorthPort Batang Pier at Phoenix Fuel Masters sa alas-5:45.

Ipaparada ng Bay Area sina veteran Duncan Reid, Chinese 7-foot-5 center Liu Chuanxing at dating NBA player Andrew Nicholson ng Canada.

Ang Dragons ang u­nang guest team na maglalaro sa PBA sa nakalipas na 19 taon at kakatawan sa Greater China sa East Asia Super League (EASL) sa Oktubre.

 

Show comments