Mabulac MPBL-MVP

MANILA, Philippines — Tinanghal na Most Valuable Player si Michael Mabulac matapos ang impresibong kampanya para sa Nueva Ecija sa Chooks-to-Go-Maharlika Pilipinas Basketball League Invitational.

Nagrehistro ng 13.3 puntos, 10.3 rebounds at 2.5 assists si Mabulac para sa Vanguards na winalis ang preliminary round sa Pool C bitbit ang 4-0 baraha.

“Hindi ko talaga ‘to ini-expect. Talagang blessed ako ngayong taon na ito at sana makuha namin ‘yung championship,” saad ng dating Jose Rizal U standout.

Lalong pinatunayan ni Mabulac ang kanyang MVP award nang humakot ng 17 puntos, 15 rebounds, limang assists at dalawang steals sa 82-76 panalo nila kontra sa Imus sa semifinals kamakalawa.

Hindi paaawat si Mabulac na hangaring makuha rin ang kampeonato sa umaatikabong finals sa pagitan ng Nueva Ecija at Basilan-Jumbo Plastic Basilan Medical Depot na ginaganap pa as of presstime sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Nakapasok ang kontrapelo nilang Basilan sa championship round matapos ang 77-72 panalo kontra sa Pasig-Sta.Lucia sa isa pang semis bracket.

Dinaig ni Mabulac para sa prestihiyosong parangal si Mac Tallo ng Bicol-LCC Malls na nagtapos naman sa 3-1 kartada sa Pool B.

Show comments