Choco Mucho bigo rin sa Kazakhs

MANILA, Philippines — Hindi pa rin mahanap ng Choco Mucho ang tamang kumbinasyon matapos umani ng 22-25, 19-25, 15-25 kabiguan sa Zhetysu-Kazakhstan kahapon sa 2021 Asian Women’s Club Volleyball Championship sa Nakhon Ratchasima, Thailand.

Maganda naman ang simula ng Pinay Spikers sa bawat set partikular na sa tuwing nasa frontline sina Filipino-American Kalei Mau at Mylene Paat.

Ngunit hindi masabayan ng Choco Mucho ang mainit na intensidad ng Zhetysu sa huling bahagi ng set para tuluyang lasapin ang ikalawang sunod na talo.

Nakipagsabayan ang Choco Mucho sa blocking department matapos makalikom ng walong blocks para pantayan ang walo ring blocks ng Zhetysu.

Subalit nakaungos ang Zhetysu sa attacks nang magpako ito ng 48 kills kumpara sa 33 ng Pinay squad. May 4-1 edge rin ang Zhetysu sa service area.

Nauna nang natalo ang Choco Mucho sa Nakhon Ratchasima-Thailand, 11-25, 26-28, 17-25, sa unang araw ng bakbakan noong Biyernes.

Dahil dito, mapapalaban ang Pinay Spikers sa No. 2 seed sa quarterfinals.

Nakatakda naman sumalang alas-7 ngayong gabi (oras sa Maynila) ang Rebisco laban sa Saipa Tehran-Iran sa huling araw ng group stage.

Show comments