Season 46 Opening sa July ni-request ng PBA sa IATF

MANILA, Philippines — Nasa kamay na ng Inter-Agency Task Force (IATF)ang desisyon sa planong pagbubukas ng PBA Season 46 sa susunod na buwan matapos ang matagal na paghihintay.

Ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial, nagsumite na siya ng opisyal na liham sa IATF na kaagad sumagot sa pagsasabing nakapila na sa mga paksang tatalakayin ang PBA clearance sa susunod nilang pagpupulong.

Nilalaman ng official PBA letter ang detalyadong plano kabilang na ang siyam na pahinang protocols upang masiguro ang ligtas at maayos na pagdaraos ng mga laro gaya ng matagumpay ng 2020 PBA Bubble sa Clark, Pampanga.

“We presented the success of the last all-Filipino tourney where we’re able to protect the integrity of the bubble. And we also cited the ongoing team practices and scrimmages where COVID cases have been minimal to none,” ani Marcial

Inaasahan ni Marcial na ipapatawag siya ng IATF, sa pangunguna nina co-chairmen Secretary Francisco Duque ng Department of Health at Cabinet Secretary Karlo Nograles para opisyal na talakayin ang naturang request.

Balak ng PBA na gawin ang 2021 Season sa Ynares Sports Center sa Antipolo sa Rizal o Ynares Sports Arena sa Pasig kung papayagan na ng IATF.

Simula noong nakaraang buwan, walang gusot ang PBA training matapos makakuha ng unang IATF go-signal sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) o Modified GCQ (MGCQ) tulad ng Batangas, Pampanga at Ilocos Norte.

Show comments