Pang 10-titulo na ni Orcollo

MANILA, Philippines — Humirit na naman si Dennis Orcollo ng panibagong titulo sa US circuit nang maghari sa 8th Annual Big Tyme Classic Open 9-Ball na ginanap sa Big Tyme Billiards sa Spring, Texas.

Naitarak ni Orcollo ang 2-0 panalo laban kay American cue master Shane Van Boening ng Amerika sa championship round para maibulsa ang $4,540 papremyo. Nagkasya lamang sa $2,890 konsolasyon si Van Boening.

Ito ang ika-10 titulo ni Orcollo sa Amerika sa taong ito.

Ngunit bago makuha ang korona, hindi naging madali ang pinagdaanan ni Orcollo dahil kinailangan nitong manalo ng dalawang beses sa finals.

Nasiguro ni Van Boening ang twice-to-beat edge matapos umabante sa championship round nang walang talo.

Nasungkit ni Orcollo ang 10-5 panalo sa Game 1 kasunod ang 8-5 pananaig sa Game 2.

Nagtapos naman sa ikaapat na puwesto si Filipino-Canadian Alex Pagulayan para sa $1,180 konsolasyon habang pumang-lima si Warren Kiamco ($750) at pampito naman si dating World 9-Ball champion Carlo Biado ($480).

Show comments