Gilas gustong makaulit sa Korea

MANILA, Philippines — Tatangkain ng Gilas Pilipinas na makaulit sa karibal na South Korea upang makumpleto ang malinis na pagwalis sa FIBA Asia Cup Qualifiers sa AUF Sports and Cultural Center sa Clark, Pampanga.

Aarangkada ang rematch ngayong alas-3:30 ng hapon matapos ang bakbakang Indonesia at Thailand sa alas-11 ng umaga para sa huling laban ng Group A. Magpapambuno rin ang China at Chinese-Taipei sa huling duwelo ng Group B sa alas-6:30 ng gabi.

Noong Miyerkules ay umiskor ng malaking 81-78 comeback win ang Gilas kontra SoKor mula sa 17-point deficit matapos ang game-winning triple ni SJ Belangel sa final buzzer.

Iyon ang unang panalo ng Gilas sa Asian rival sa loob ng walong taon subalit gusto ng Gilas na masundan ito agad lalo’t matamis na sweep ang nag-aabang sa kanila kung makukumpleto ang misyon.

Hawak ng Gilas ang 5-0 baraha sa tuktok ng Group A at determinadong patunayan sa SoKor (3-1) na hindi tsamba ang kanilang panalo matapos ang pahayag ni SoKor coach Cho Sang Hyun na “lucky shot” ang game-winner ni Belangel.

Nakatakdang ihayag ng Gilas ang final 12 line-up para sa SoKor  rematch habang isinusulat ang balitang ito subalit namumurong banderahan ulit sila nina Ange Kouame, Dwight Ramos, Kai Sotto, Justine Baltazar at Belangel.

Samantala, kahit 1-4 ang baraha ng Indonesia sa Qualifiers ay swak na rin ito sa FIBA Asia Cup bilang host, habang tuluyan nang nasibak sa kontensyon ng Group A ang Thailand (0-4).

Abante rin sa Asia Cup ang Lebanon at Bahrain ng Group D, Iran at Syria ng Group E gayundin ang Jordan at Kazakhstan ng Group F, habang hindi pa alam ang pasok sa Group B (China, Japan, Chinese Taipei) at Group C (Australia, New Zealand, Guam, Hong Kong).

Show comments