Gilas iniisip na ang FIBA OQT sa Serbia

MANILA, Philippines — Hindi pa sa Clark bubble sa Pampanga magtatapos ang misyon ng Gilas Pilipinas  dahil may FIBA Olympic Qualifying Tournament pa silang haharapin sa Hunyo 29-Hulyo 4  sa Serbia pagkatapos na pagkatapos ng FIBA Asia Cup Qualifiers.

May isang laro pa ang Nationals sa ikatlo at hu-ling window ng Qualifiers na matatapos bukas ngunit nasa isip na nila ang laban kontra sa host na Serbia at Dominican Republic ng Group A sa bigating OQT. Nasa Group B naman ang Senegal, Puerto Rico at Italy.

Isa lang mula sa 6-team Belgrade OQT ang aabante sa Tokyo Olympics kasama ang mga mananalo sa iba pang OQT sa Canada, Croatia at Lithuania.

Ang apat na OQT winners ay makakasama ng host na Japan, 2016 Rio Olympics winner USA, 2019 FIBA World Cup champion Spain, Argentina, France, Australia, Nigeria at Iran para sa kabuuang 12 na pinakamagagaling na koponan sa buong mundo.

Kung papalaring makakapasok ang Gilas sa Olympics, ito ang unang pagkakataon matapos ang halos limang dekada buhat nang huling makapasok sa prestihiyosong quadrennial tourney noong 1972 edition sa Munich, Germany.

Bago iyon ay hangarin ng Gilas na ma-sweep ang Group A ng FIBA Asia Cup Qualifiers kahit pa pasok na sa mismong FIBA Asia Cup proper kasama ang South Korea.

Naipormalisa ng Gilas ang pagkopo ng Asia Cup tiket matapos ang 81-78 panalo sa SoKor para sa top spot ng Group A hawak ang 4-0 baraha. Sumunod ang SoKor na nasiguro ang segunda puwesto sa 3-1 kartada matapos tambakan ang Indonesia, 104-81.

Tanging ang top two teams lang kada-grupo ng Qualifiers ang papasok sa Asia Cup subalit bilang host ay swak na rin dito ang Indonesia (1-3) habang sibak na sa kontensyon ng Group A ang Thailand (0-4).

May idinadaos pang laro ang Gilas kagabi kontra sa Indonesia at sbukas ay may rematch sila ng SoKor para sa hu-ling game-day ng Clark Qualifiers kung saan nag-lalaban din ang Group B teams na China, Chinese Taipei at Japan na komplikdo ang labanan.

Pasok na rin sa Asia Cup ang Lebanon at Bahrain ng Group D, Iran at Syria ng Group E gayundin ang Jordan at Kazakhstan ng Group F habang idinadaos pa rin ang mga laro ng Group C (Australia, New Zealand, Guam at Hong Kong.

Ang mga FIBA qualifiers ay parte ng prog-rama ng SBP na hasain ang batang koponan ng Gilas para sa 2023 World Cup na iho-host ng Pinas kasama ang Japan at Indonesia.

 

 

 

 

Show comments