Isang magandang buhat

Na-miss ni Hidilyn Diaz ang podium finish sa Asian Weightlifting Championships sa Tashkent, Uzbekistan, pero sapol ang tunay na target na ma-formalize ang Tokyo Olympics entry.

Sa Tokyo ang tunay na laban. Doon tunay na magkakaalaman.

Sa Tashkent na world level ang kompetisyon, nasukat ni Hidilyn ang mga kalaban. At kita naman sa resulta na lehitimo ang tsansa ng Pinay lifter na maging most bemedalled Philippine Olympian.

Nagbakbakan para sa gold ang Chinese teammates na sina Liao Quiyun (222) at Li Yajun (221), at gabuhok na tinalo ni Uzbek Muattar Nabieva (213) si Diaz (212) para sa bronze medal.

Ang magandang balita, isa lang sa dalawang Chinese bet ang pasok sa Olympics.

Kaya’t talagang nasa medal circle ang ating pambato – solido ang tsansa na muling humugot ng Olympic medal pagkatapos ng second-place finish sa Rio de Janeiro noong 2016.

May duda ako kung kaya pa niyang habulin ang kalibre ng Chinese bet. Pero isang magandang gising at magandang almusal eh malamang na lagpasan niya ang 213 ni Nabieva.

Sa ngayon eh tabla sina Diaz at boxers Anthony Villanueva at Onyok Velasco na best performers ng bansa sa Olympics bilang silver medalists.

Isang magandang buhat at uungos si Diaz.

Show comments