Mandaue nakalusot sa Dumaguete

MANILA, Philippines — Umeskapo ang KCS Mandaue Computer Specialists sa Dumaguete Warriors, 79-73 upang masolo ang segunda puwesto ng 2021 Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup kahapon sa Alcantara Subic Center sa Cebu.

Sumandal ang Computer Specialists sa ex-PBA cager na si Gryann Mendoza na nagpakawala ng 20 puntos kabilang na ang pambaong tres sa huling minuto sahog pa ang 10 rebounds at isang tapal.

Kagagaling lang ng Mandaue sa 77-66 panalo kontra sa ARQ Builders Lapu-Lapu subalit ‘di pa rin napigil tungo sa pag-angat sa 4-1 baraha papasok sa ikalawang round ng umaatikabong Visayas leg.

Sumuporta kay Mendoza sina Rhaffy Octobre at Dyll Roncal na may 13 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa Computer Specialists na muntikan pang malustay ang malaking 17-puntos na kalamangan.

Nanguna naman para sa Dumaguete, lumamang sa 68-67 sa huling apat na minuto, si dating CESAFI MVP Jaybee Mantilla na may 21 markers, limang rebounds at apat na assists.

Samantala, inamin ng Pilipinas VisMin Super Cup na si Franz Arong at hindi si Monbert Arong, ang dapat na napatawan ng suspensyon mula sa Lapu-Lapu noong nakaraang linggo ayon sa inilabas na memorandum na inimpelementa agad-agad. Bawal na rin mag-cellphone kapag ongoing ang game.)

Show comments