Team Crawford naghihintay pa rin kay Pacquiao

MANILA, Philippines — Walang magagawa ang grupo ni reigning World Boxing Organization (WBO) welterweight champion Terence Crawford kundi ang mag-abang kung matutuloy pa ang pinaplantsang mega fight nito kontra kay eight-division world champion Manny Pacquiao.

Naikasa na ang negosasyon sa Pacquiao-Crawford fight na target ganapin sa Hunyo 5 sa Abu Dhabi, United Arab Emirates.

Ngunit nakasalalay ang lahat sa magiging desisyon ni Pacquiao kung tuloy ito o hindi.

Kinumpirma ng trainer ni Crawford na si Brian McIntyre na naghihintay lamang ang kanilang kampo sa official announcement na manggagaling sa Pinoy champion.

Ngunit wala pang announcement habang sinusulat ang balitang ito.

Tiwala si McIntyre na ilalabas ito ng Pacquiao camp anumang araw mula ngayon.

Naghihintay ang Crawford camp sa desisyon ni Pacquiao bago kumilos para paghandaan ang mega fight.

“I’m looking at a couple of days. I’m still waiting; we’re all still waiting. Some more things need to be signed off. Then we’ll go from there,” ani McIntyre sa panayam ng Town Bizznizz.

Plano ni Crawford na magkaroon ng dalawang laban sa taong ito.

Maliban sa Pacquiao fight sa Hunyo, target din ni Crawford na muling sumalang sa Nobyembre o Disyembre.

Show comments