Guiao handang hawakan ang PBA team vs China

MANILA, Philippines — Handa si NLEX coach Yeng Guiao na gabayan ang PBA selection team kung matutuloy nga ang planong friendly game kontra sa China bago ang opening ng PBA Season 46.

Ayon sa Road Warriors mentor, mananatili siyang “ready at waiting” sa anomang iaatas ng PBA para sa exhibition match na iminungkahi ni PBA Chairman Ricky Vargas.

Mismong si Vargas din ang nagpalutang sa pa-ngalan in Guiao bilang posibleng coach ng tatawaging “PBA Warriors” at bukas dito ang batikang mentor lalo na kung makakatulong sa anomang paraan ng pagpapalawak ng kaalaman at kamalayan sa isyu ng West Philippine Sea.

Suportado rin ni PLDT at Smart chairman Manny V. Pangilinan, may-ari ng TNT, Meralco at NLEX franchises sa PBA, ang naturang plano ni Vargas na inaasahang tatalakayin sa PBA Board of Governors meeting ngayong linggo.

Kasama rin sa krusyal na board meeting ang pag-uusap sa susunod na hakbang ng liga para sa natenggang opener ng 2021 Season na sa Abril 18 na sana aarangkada.

Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang desis-yon ang pamahalaan kung tatapusin na ba ang pinapairal na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa NCR Plus bubble na sinimulan  noong Marso 29 o ie-extend pa.

Sa ilalim ng ECQ ay bawal ang anomang sporting events tulad ng practice lalo na ang mga laro.

Show comments