Eala aangat ang WTA ranking

Alex Eala

MANILA, Philippines — Hindi na nagawa ni Pinay tennis sensation Alex Eala na makalusot sa third round matapos makalasap ng 5-7, 6-3, 2-6 kabiguan kay home bet Simona Waltert sa Round of 16 ng kanyang unang $60,000 International Tennis Federation (ITF) tournament sa Bellinzona, Switzerland.

Natapos ang laro ng 15-anyos na si Eala at ng 23-anyos na si Waltert sa loob ng dalawang oras at 18 minuto.

“Thank you IG:@w60bellinzona_worldtennistour. It was good week for me here and look forward to coming back,” sabi ni Eala, ang Women’s Tennis Association (WTA) No. 715 player.

Sa kabila ng nasabing kabiguan ay inaasahang muling tataas ang ranggo ng Pinay tennis ace sa WTA.

Nauna nang tinalo ni Eala ang WTA No. 284 na si Waltert sa first leg ng W15 Manacor bago nakaresbak ang Swiss netter sa second leg ng nasabing three-leg tournament na idinaos sa Spain.

Bago yumukod kay Waltert ay pinatalsik muna ng iskolar ng Rafael Nadal Academy sina WTA No. 323 Margot Yerolymos ng France, 7-6 (6), 6-2, sa first round at si WTA No. 206 Laura-Ioana Paar ng Romania, 6-7 (6), 6-1, 6-0, sa second round.

Nabigyan si Eala ng wildcard entry sa main draw ng nasabing W60 Bellinzona tournament bilang junior exempt dahil sa kanyang pagiging No. 3 sa ITF Juniors ranking.

Show comments