Cuarto bagong IBF minimumweight champ

MANILA, Philippines — Natupad ang pangarap ni Rene Mark Cuarto na maging world champion matapos maagaw ang International Boxing Federation (IBF) minimumweight belt kay Pedro Taduran noong Sabado ng gabi sa Bula Gym sa General Santos City.

Hinubaran ng korona ni Cuarto si Taduran sa bendisyon ng unanimous decision win kung saan pare-parehong nagbigay ng 115-113 desisyon ang tatlong hurado.

Napaganda ni Cuarto ang rekord nito sa 19-2-2 samantalang nahulog sa 14-3-1 ang baraha ni Taduran.

Maganda ang resulta ng game plan ni Cuarto.

Inamin nitong pinag-aralan nito ng husto ang estilo at galaw ni Taduran sa mga huling laban nito.

“Pinag-aralan namin ‘yung style niya at ‘yun talaga ’yung lumabas sa fight. Pagod pero maganda ang laban namin ni Pedro,” ani Cuarto sa panayam ng PowCast YouTube channel.

Bahagyang naalog si Cuarto nang tamaan ito ng solidong suntok ni Taduran sa seventh round. Subalit pinagpag lamang ito ni Cuarto.

Show comments