Nanganganib ang 76ers

PHILADELPHIA — Binuksan ng 76ers ang linggong ito na may best record sa NBA at ngayon ay nahaharap sa panganib dahil sa paralisado nilang starting lineup.

Humakot si center Nikola Jokic ng 15 points at 12 assists para banderahan ang 115-103 panalo ng Denver Nuggets laban sa Philadelphia na nagparada lamang ng pitong available players.

“COVID created this but the concern is not COVID now,” wika ni head coach Doc Rivers sa kanyang 76ers (7-3). “The concern is injuries.”

Naglaro ang Philadephia na wala ang apat nilang regular starters na sina injured All-Stars Ben Simmons (namamagang kaliwang tuhod) at Joel Embiid (problema sa likod, Seth Curry (COVID-19 positive) at Tobias Harris (may kinalaman sa covid positive case). Wala rin sa lineup ng 76ers sina reserves Shake Milton, Matisse Thybulle at Vincent Poirier (may kinalaman sa covid).

“We’ve got be very careful in how we navigate the next week,” ani Rivers, nakahugot kay 2020 first-round pick Tyrese Maxey ng 39 points sa loob ng 44 minuto.

Ito ang ikaapat na panalo ng Nuggets sa 9-laro.

Sa Charlotte, si rookie point guard LaMelo Ball ang naging pinakabatang player sa league history na nagposte ng triple-double nang tumapos na may 22 points, 12 rebounds at 11 assists sa 113-105 panalo ng Hornets (5-5) kontra sa Atlanta Hawks (4-5).

Sa Indianapolis, humataw si Mikal Bridges ng career-high 34 points para tulungan ang Phoenix Suns (7-3) sa 125-117 paggupo sa Indiana (6-3).

Nagdagdag si Devin Booker ng 25 points para itabla ang Suns sa defending champion Los Angeles Lakers para sa best record sa Western Conference.

Sa Washington, nilimitahan ng Miami Heat (4-4) ang Wizards (2-8) sa 15 points sa third quarter patungo sa kanilang 128-124 tagumpay.

Sa Milwaukee, kumamada si Khris Middleton ng 27 points para akayin ang Bucks (6-4) sa 100-90 pagdaig sa Cleveland Cavaliers (5-5).

 

Show comments