Dormitorio, Caluag tututukan ng PhilCycling

MANILA, Philippines — Dalawang atleta ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling) ang kanilang bibigyan ng solidong suporta para sa tsansang makasikwat ng tiket sa 2021 Olympic Games.

Ito ay sina Ariana Dormitorio sa women’s mountain bike at Fil-Am Daniel Caluag sa BMX, ayon kay PhilCycling at Philippine Olympic Committee (POC) re-elected president Abraham ‘Bambol’ Tolentino.

Maagang bubuksan ang mga qualification tournaments sa susunod na taon kung saan naghahangad sina Dormitorio at Caluag ng slot sa Olympics sa Tokyo, Japan.

“Pasasalihin natin si Ariana sa mga qualifying race next year para ma-maintain ang ranking niya,” wika ni Tolentino kay Dormitorio, isang three-time national champion at nagreyna sa Under-23 division sa Asian championships noong 2018.

Kasalukuyang nasa ikaapat na posisyon ang 23-anyos na Pinay sa ilalim ng mga riders ng Japan, China at Iran.

Apat na silya lamang ang inilaan para sa Asya sa mountain bike competition sa 2021 Tokyo Olympics.

Nasa No. 5 naman ang 33-anyos na si Caluag, kumampanya noong 2012 London Olympics, matapos ang March cutoff.

Tanging sina gymnast Carlos Edriel Yulo, pole vaulter Ernest John Obiena at boxers Eumir Felix Marcial at Irish Magno pa lamang ang may tiket sa Tokyo Olympics.

Show comments