Abueva lalaro na

MANILA, Philippines — Halos 16 buwan ang hinintay ni Calvin Abueva para muling makapaglaro sa Philippine Basketball Association (PBA) at masuportahan ang kanyang pamilya.

Kahapon ay opisyal nang inihayag ni PBA Commissioner Willie Marcial ang pagtatanggal ng indefinte suspension sa Phoenix small forward sa kainitan ng pagkabulabog ng 2020 Philippine Cup ‘bubble’ sa Clark Freeport Zone sa Angeles, Pampanga.

“Reinstated na siya,” sambit ni Marcial sa 2013 PBA Rookie of the Year na pinatawan ng indefinite suspension noong Hunyo ng 2019 matapos ang pambabastos sa nobya ni dating Blackwater rookie Ray Ray Parks, Jr. at ang pagtira kay TNT Katropa import Terrence Jones sa kanilang laro sa Commissioner’s Cup.

“Tuwang-tuwa siya at sabi niya gagawin niya ang lahat matapos siyang mabigyan ng pangalawang pagkakataon na makalaro sa PBA,” ani Marcial sa 32-anyos na small forward.

Opisyal nang mapapanood si Abueva sa pagsagupa ng Fuel Masters sa NLEX Road Warriors nga­yong alas-4 ng hapon sa Angeles University Foundation Gym ayon sa original schedule na kinailangang baguhin dahil sa pagkaka-isolate ng Blackwater at Talk ‘N Text.

Ang mga requirements ni Marcial na natugunan ni Abueva para muli siyang makapaglaro ay ang paggawa ng community service, pagsailalim sa drug tests at counselling at pagkumpleto sa isang seminar ng Games and Amusements Board (GAB) para muli niyang makuha ang kanyang professional license.

Binigyan ni Marcial ng warning ang pambato ng Angeles, Pampanga na muling papatawan ng parusa kapag naging ‘pasaway’ sa liga.

Dapat ring ipagpatuloy ni Abueva ang pagsailalim sa mga counseling programs para sa tuluyan niyang pagbabago.

 

Show comments