Bolts umeskapo

MANILA, Philippines — Kinailangan ng Bolts ng ekstrang limang mi­nuto para makamit ang panalo.

Humugot si Chris Newsome ng pito sa kanyang 23 points sa overtime para ilusot ang Meralco laban sa Magnolia, 109-104, sa 2020 PBA Philippine Cup kahapon sa Angeles University Foundation Gym sa Angeles City, Pampanga.

Nakabangon ang Bolts mula sa nakaraang kabiguan para itala ang 2-2 baraha habang nalaglag ang marka ng Hotshots sa 1-3 sa PBA ‘bubble’.

“We just want to come out play with a lot of energy, play with a lot of heart,” sabi ni Newsome na nagdagdag ng 7 rebounds, 6 assists at 2 blocks.

Matapos makahirit ng extension ang Magnolia sa 94-94 ay nagtuwang sina Newsome at Cliff Hodge para ilayo ang Meralco sa 104-100 abante sa huling 1:24 minuto.

Huling nakadikit ang Hotshots sa 104-105 mula sa basket ni Mark Barroca sa  48.3 segundo ng laro kasunod ang tirada ni Newsome para sa 107-104 bentahe ng Bolts sa nalalabing 9.5 segundo ng bakbakan.

Naging dikitan ang laban sa first half kung saan nagtabla sa halftime, 46-46, ang dalawang koponan bago nag-apoy ang mga kamay ni Paul Lee sa ginawang 9-0 atake para sa 55-52 abante ng Magnolia bago nakatabla ang Meralco sa 67-67 sa third period.

Nakatabla naman ang Hotshots sa 94-94 buhat sa apat na free throws nina Barroca at Lee para dalhin ang Bolts sa over- time.

 

 

Show comments