Marcial paplantsahin na ang pagbabalik-aksyon

MANILA, Philippines — Pupulungin ni PBA Commissioner Willie Marcial ang mga kinatawan ng 12 koponan ngayon para dinggin ang kanilang panig at rekomendasyon sa planong pagbabalik-aksyon ng liga sa gitna ng pan­demya.

Sa naturang meeting, hihingin ni Marcial ang mga komento ng mga manlalaro sa mapipiling format at bubble venue ng PBA kapag pinayagan na itong magdaos ng mga laro sa Oktubre.

“Mahalaga ang input nila especially they’re the ones going to play and entertain the PBA fans,” ani Marcial.

Dalawampu’t apat na players ang inaasahan ni Marcial sa talakayan sa pangunguna ng team leaders na sina Chris Ross ng San Miguel, Marc Pingris ng Magnolia, LA Tenorio ng Ginebra, Jayson Castro ng TNT, Reynel Hugnatan ng Meralco, Asi Taulava ng NLEX, CJ Perez ng Terra Firma (dating Columbian), Mac Belo ng Blackwater, Matthew Wright ng Phoenix, Gabe Norwood ng Rain or Shine, Vic Manuel ng Alaska at Sean Anthony ng Northport.

Matapos ang players dialogue ay nakalinya naman ang isa pang PBA Board of Governors meeting bukas para i-finalize ang plano para sa PBA restart.

Naging mahaba ang talakayan sa naunang meeting noong nakaraang linggo, kung saan pagpili lang ng tatlong final choices ng magiging bubble venue ang nagawa ng PBA Board.

Bukod sa pagpili ng final venue, tatalakayin ang format lalo’t posibleng isang conference lang ang maidaraos para sa natenggang 45th Season.

Sa pagbuo ng PBA ng plano para sa target na October restart, kailangan pa rin nilang makuha ang basbas ng pamahalaan.

Sa ngayon, walang problema sa ginagawang batch by batch training  sa ilalim ng guidelines at protocols ng Joint Administrative Order para sa sport simula pa noong nakaraang buwan.

Lagpas anim na buwan nang walang laro ang PBA nang matigil ang kabubukas pa lang nitong 2020 Philippine Cup sa pagputok ng pandemya noong Marso.

Show comments